Intramurals, magsisimula na

     Ang Kagawaran sa Pag-aaral sa MAPEH ay kasalukuyan nang naghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng INTRAMURALS 2009-2010. Magsisimula ito sa unang linggo ng Setyembre at magtatapos sa buwan ng Disyembre. Muli na naman mapupuno ng sigla at masigabong palakpakan ang bulwagang palapagan ng Quezon City Academy. Ang mga larong basketball at volleyball ang mga palarong magbubukas sa Intramurals ngayong taon.

   “Ang mga natatagong talento ng isang mag-aaral sa isang partikular na laro ay higit na nahahasa o nalilinang sa pagsali niya sa Intrams. Ang mga larong basketball at volleyball ay hindi lamang nakapagpapaunlad ng personal na displina ng isang mag-aaral, ito ay nakapagtuturo din ng pagkakaroon ng pagkakaisa sa kani-kanilang pangkat na kinabibilangan at mapayapang pakikipagtunggalian sa kalaban,” wika ni G. Francisco Rivera.  Samantala, ang mga larong pang-isahan at pangdalawahan tulad ng badminton, chess, darts at table tennis ay sisimulan pagkatapos ng volleyball at basketball.

    Hindi lahat ng estudyante ay maaring sumali o makilahok agad sa Intrams, kinakailangan muna nila ang mga sumusunod: gallery na naglalaman ng kopya ng kard para sa unang kwarter, 2x2 na litrato at pahintulot ng magulang. Kinakailangan hindi bababa sa 76% ang grado sa bawat asignatura at 85% na grado sa Edukasyong Pagpapahalaga.

     Ang gaganaping Intramurals ngayong taon ay pangungunahan ng director sa Kagawaran ng Pag-aaral sa MAPEH na si Shane Manong sa tulong ni G. Francisco Rivera na tagapamahala ng Intramurals at ni Bb. Belinda Mijares na tagapayo ng Kagawaran sa Pag-aaral sa MAPEH.         

     “Galingan nila at kumpletuhin ang mga hinihinging dokumento. Huwag na nilang balakin na dayain ang kanilang mga grado sapagkat malalaman din namin iyon kapag hiningi namin ang orihinal na kard sa tagapayo” sinabi ni Shane Manong ng IV Abad Santos sa mamamahayag na ito.

  - Romeo Umali Jr.       

HOME
 
BACK