 |
Si Gng. Esperanza P. Alvendia, “Ina ng QCA” - ayon sa kanila
Ipagdiriwang ng Quezon City Academy ang ika-102 na kaarawan ng ating “Ina ng QCA” na si Gng. Esperanza P. Alvendia ngayong Agosto 28, 2009.
Ayon kay Gng. Vivien R. Riano, Punong-Guro, ang selebrasyon ngayong taon ay halos walang pinagkaiba sa mga nakaraang taon. Magkakaroon ng isang misa, alay para kay Nanay EPA, na gaganapin sa bulwagang ika-4 na palapagan sa ganap na 11:00-12:00 ng tanghali. Pagkatapos ng misa, pararangalan ang mga Ginto at Luntiang Laurel sa Bulwagang Alvendia na kung saan magbibigay ng inspirasyonal na pananalita ang Chairman ng Board of Trustees, si G. Carmelino P. Alvendia, Jr.
Noong nabubuhay pa sina G. Carmelino G. Alvendia at Gng. Alvendia, pinahahalagahan nila ng lubos ang mga scholarships dahil sila rin ay mga iskolar noong mga panahong sila’y nag-aaral pa.
Si Gng. Alvendia ay pinararangalan ng mga estudyante dahil siya ang nagpatayo sa apat na palapag na konkretong gusali ng QCA at nagbigay ng mga modernong pasilidad upang itaas ang uri ng edukasyon dito.
Si EPA para sa mga guro ay isang mabait na ina at maunawaing ina. Ayon kay Bb. Nenita Pangilinan noong panahon na nakasama niya si Gng. Alvendia ay naging maunawain ito sa mungkahi noon ng mga guro. Si Bb. Pangilinan noon ang pangulo ng Faculty Club. Para naman kay Gng. Marites Cisneros kahit hindi niya gaanong nakilala si EPA sapagkat baguhan lamang siya noon. Ngunit natatandaan niyang tuwing dumadalaw daw ito sa QCA ay lagi itong nakangiti at nararamdaman niya ang kabutihan nito.
Para sa mga hindi pa nakakakilala kay Nanay EPA, siya ay ang dating dean ng Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit, tuwing siya ay nasa QCA, mas gusto niyang tawagin bilang “Ginang” O “Ma’am” Alvendia. Ayon sa kanyang mga anak, si Nanay EPA ay isang huwaran at mapagmahal na ina sa kanila. Itinuturing raw niya ang mga guro ng QCA bilang kanyang mga sariling anak at mga apo ang estudyante. Angkop ang taguri sa kanya na “Ina ng QCA”.
- Famela Canico at Jerico Balilo |
HOME |
 |