EDITORYAL
ANG ATING SARILING WIKA SA PANAHON NG GLOBALISASYON

     Kasabay ng mabilis na paglipas ng panahon ang pag-unlad ng teknolohiya na kaakibat ng globalisasyon. Kung ating susuriing maigi, ang patuloy na pag-igting ng globalisasyon ang naging dahilan sa maraming pagbabago sa ating pamumuhay. Simula sa ating mga kilos at gawi, sa ating pananamit, hanggang sa mga kagamitan. Walang duda, kitang kita ang bahid ng ating impluwensiyang banyaga dahil sa paglago ng globalisasyon at pati ating sariling wika ay naapektuhan na.
     Oo. Tuluyan nang nilamon ng wikang banyaga ang ating sariling wika, partikular na ng wikang Ingles at ng wikang Hapon na kinagigiliwan ng mapabata’t matanda ngayon. Tumingin kayo sa inyong paligid. Hindi ba’t hindi maiiwasan ng isang tao ang hindi gumamit ng wikang banyaga maski sa simpleng talakayan? Tila naging banyaga na sa sariling wika ang mga Pilipino. Hindi pa ba nagiging sapat ang ating anim na taong pag-aaral sa elementarya at apat na taon sa sekundarya ng asignaturang Filipino upang lubusang makilala at tangkilikin ang ating wika? At kung mapapansin, bihasa pa ang maraming Pilipino sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino.
     Maaari ngang hindi ito tumutukoy sa lahat pero bakit tila hirap ang mga Pilipino na gamitin ang wikang Filipino sa mga sulating pormal?
     Sinasabi ng karamihan na mas kailangang pagtuunan ng pansin ang wikang Ingles dahil ito ay bang wika ng globalisasyon at ito ang magpapaunlad sa ating bansa. Ngunit, bakit sa ibang bansa, bagamat hindi sila kagalingan sa paggamit ng wikang Ingles ay maunlad pa rin sila. Aking kinaiinggitan ang kanilang pagmamahal sa wika. Mula sa pinakamaliit na bagay tulad ng sabon, gamot, syampu na wika nila ang ginagamit sa pagpapahayag ng mga direksyon ng paggamit. Sinikap nilang isalin sa kanilang wika ang kanilang mga produktong ibinebenta maski sa ibang bansa ipamamahagi.
     Taliwas ang mga pangyayaring ito sa Pilipinas. Isa na marahil sa mga dahilan kung bakit marami ang hindi sumusunod sa batas ay dahil ang mga batas ay nakasulat sa wikang banyaga. Papaano naman iintindihin at susundin ng isang mamamayang Pilipino ang isang batas sa wikang banyaga na di nila saklaw ng unawa? Isa pang kabalintunaan ang paggamit sa wikang Ingles sa pagsasaad ng batas tungkol sa ating sariling wika mismo. Ang mga Pilipino nga naman! Isang batas na nagpapahayag ng pagmamahal sa sariling wika tapos ang gagamitin sa pagpapahayag nito ay wikang banyaga?!
     Saan na nga ba napadpad ang pagmamahal sa sariling wika? Hindi naman sa aking tinutuligsa ang pagamit sa wikang banyaga. Sa aking opiniyon lamang ay sana’y mahalin, pahalagahan at huwag pangilagan ang pagamit sa wikang Filipino. Kung ikinahihiya ng isang Pilipino ang kaniyang wika, ikinahihiya na rin niya ang kaniyang pagiging Pilipino. Turan nga ni Gat Jose Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda.”

     Mabuhay ang wikang Filipino!
HOME
 
BACK